Itinanggi ng abogado ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na may mga “very powerful” o makapangyarihang taong nagpoprotekta sa senador.
Sa isang pahayag sa social media, sinabi ni Atty. Israelito Torreon na wala silang personal na kaalaman tungkol sa sinasabing “powerful protectors” ni Dela Rosa.
Sa halip, sinabi ni Torreon na ang alam nila ay malalim ang pananampalataya ng senador at ang Diyos ang itinuturing nitong “one and only Protector.”
Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni Remulla na alam na ng pamahalaan ang kinaroroonan ni Dela Rosa at nakikipagnegosasyon na sa mga taong sinasabing nagpoprotekta sa senador.
Samantala, ikinalungkot ni Torreon ang paggamit ng katagang “body bags” sa usapin tungkol sa isang nakaupong senador.
Ayon sa abogado, maaaring magdulot ito ng pangamba sa pamilya, mga tagasuporta at publiko, lalo na’t nagmula ang pahayag sa pinuno ng Department of the Interior and Local Government.
Giit ni Torreon, kung naniniwala ang gobyerno na may nilabag na batas si Dela Rosa, dapat itong magsampa ng kaukulang kaso sa mga korte sa Pilipinas.
Doon aniya dapat harapin ng senador ang anumang alegasyon laban sa kanya, alinsunod sa Konstitusyon, mga batas ng bansa at mga karapatan ng bawat akusado.
Nanawagan din si Torreon kay Secretary Remulla na gamitin ang anumang legal na impluwensiya nito upang kumbinsihin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na muling isaalang-alang ang polisiya ng pagpapadali sa pagsuko ng mga Pilipino sa International Criminal Court (ICC).
Binigyang-diin ng abogado na hindi ito panawagan para takasan ni Dela Rosa ang pananagutan. Sa halip, aniya, ang hinihingi nila ay accountability alinsunod sa batas ng Pilipinas at sa harap ng mga korte ng bansa, bilang paggalang sa soberanya at mga institusyon ng bansa.