Sumampa na sa 44 ang bilang ng mga napapaulat na nasawi bunsod ng pinagsamang epekto ng mga nagdaang bagyo gayundin ng Habagat.
Batay ito sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw.
Bukod sa mga nasawi, may 18 pa ang napaulat na nasugatan dahil sa sama ng panahon habang nananatili sa lima ang nawawala.
Samantala, nasa 347 lugar pa ang nananatiling baha, kung saan pinakamarami ang naitala sa Region 3 o Central Luzon na may 285 na lugar na apektado.
Umabot sa mahigit 9.6 milyon indibidwal o halos tatlong milyong pamilya ang naapektuhan ng mga kalamidad.