Inihayag ng House Committee on Basic Education and Culture na nasa tamang direksyon ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas matapos makakuha ng mataas na puntos sa inilabas na resulta ng Programme for International Student Assesstment (PISA) nitong Martes.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay House Committee on Basic Education and Culture Chairperson, Representative Roman Romulo, sinabi nito na bagama’t mataas ang puntos sa resulta ng PISA at malayo na ang narating ng sistema ng edukasyon sa bansa, marami pa rin ang kailangang tutukan at bigyang pansin upang lalo pang lumawak ang kaalaman ng mga mag-aaral.
Ayon kay Rep. Romulo, maraming rason sa pag-angat ng rating ng mga mag-aaral sa bansa ngunit ang kailangan lamang ay maibigay ang mga pangangailangan nito dahil ang bawat batang Pilipino ay likas na matalino at may mga gurong masisipag, magagaling, at may malasakit sa kanilang mga batang tinuturuan.
Dagdag pa ng kongresista, malaking tulong din ang mga reporma sa sistema ng edukasyon na isinulong ng kongreso at ipinatupad ng Department of Education (DepEd), partikular ang pagbawas sa learning competencies at pagbibigay-tuon sa mga pangunahing asignatura upang mahasa nang husto ang kaalaman ng mga bata.
Sa huli, binigyang-diin ng opisyal na mahalagang mayroong sapat na ugnayan ang DepEd at kongreso
upang maipagpatuloy ang mga programa para sa sektor ng edukasyon.