Inihain na ng House prosecution team ang manifestation para sa pag-isyu ng subpoena sa unang tatlong testigo sa pagsisimula ng Article II o unexplained wealth na bahagi ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, kabilang sa mga ipapatawag si retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang para talakayin ang mga prinsipyo ng public accountability, integrity in public office at mga mekanismo laban sa undisclosed at unexplained wealth at prohibited business interests.
Ikalawang testigo si Attorney Karen Batu, officer-in-charge ng Records Division ng Office of the Ombudsman, na tatalakay sa mga partikular na rekord at submissions na may kaugnayan kay Duterte.
Ikatlo si Attorney Gerardo Del Rosario, direktor ng Company Registration and Monitoring Department ng Securities and Exchange Commission, para sa authentication at identification ng mga rekord ng mga kumpanyang iniuugnay sa Bise Presidente.
Sinabi ni Ridon na inihahanda na ng unexplained wealth team, kasama si prosecutor Chel Diokno, ang kanilang mga ebidensya para sa paglilitis sa Article II.
Target ng prosecution na mabuksan ang usapin sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong linggo, depende sa magiging haba ng paglilitis sa mga naunang artikulo.
Kung susunod sa kanilang target na timeline, inaasahang mabubuksan at matatapos ang presentasyon sa unexplained wealth article bago ang kalagitnaan ng Oktubre o sa simula ng Oktubre.