Bitbit ang dangal ng bansa, naging tanging alkalde mula sa Pilipinas si Iloilo City Mayor Raisa Treñas na dumalo sa ginanap na International Disaster Resilience Leaders Forum (IDRLF) 2026 sa Incheon, Republic of Korea nitong September 7 hanggang 8, 2026.
Ipinagmalaki ni Treñas sa City Networking Event ang Iloilo City Action and Resilience (ICARe) Centers—isang makabagong inisyatibo na nagpapakita ng mga epektibong estratehiya at teknolohiya ng lungsod sa pagharap sa mga sakuna at pagbabago ng klima.
Kasalukuyang may siyam na operational ICARe facilities sa Iloilo City.
Bukod sa pagiging emergency response centers, nagsisilbi na rin ang mga ito bilang mga “resilience learning hubs” kung saan nagtutulungan ang pamahalaan, komunidad, at pribadong sektor para sa sama-samang pagpaplano at pag-aksyon.
Nakasama ni Treñas sa pag-presenta ng mga lokal na solusyon ang iba pang opisyal mula sa Bangladesh, India, Indonesia, Korea, at Thailand.
Ang IDRLF ay taunang pagtitipon na inorganisa ng UNDRR ONEA & GETI at Incheon Institute, sa pakikipagtulungan ng Ministry of the Interior and Safety (MOIS) ng South Korea at Trilateral Cooperation Secretariat (TCS).
Layunin nitong magbahagi ng mga praktikal na solusyon para sa pagsugpo sa banta ng sakuna sa mga lungsod.
Sa ilalim ng temang “Translating Locally-led Resilience into Action in the Age of Complex Risk and Digital Transformation,” nakatuon ang mga talakayan ngayong taon sa makabagong pondo para sa disaster risk reduction, paggamit ng AI sa pag-iwas sa sakuna, at mga risk-informed investment.
Nakatakda ring lumahok ang Iloilo City LGU sa isang Training Workshop ukol sa Climate Adaptation Project Preparation ngayong September 9 upang mas mapalakas pa ang kakayahan ng lungsod sa pagbuo ng mga pondong proyektong pangklima.