Photo courtesy of CICC
Pag-aaralan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga hakbang para maprotektahan ang privacy ng mga user sa planong online age verification para sa social media at gaming platforms.
Sa town hall meeting ng CICC tungkol sa online child safety, iginiit ng mga stakeholder na dapat matiyak na ligtas ang mga bata online nang hindi kinakailangang ibunyag ang kanilang buong pagkakakilanlan.
Binigyang-diin ni CICC Undersecretary at Executive Director Renato “Aboy” Paraiso na dapat mapangalagaan ang privacy at paggamit ng pseudonyms online, ngunit hindi ito dapat maging hadlang sa pagtukoy sa mga predator at groomer na gumagamit ng internet upang targetin ang mga bata.
Samantala, sinabi ni Gail Cruz Macapagal ng Women of Blockchain Philippines na dapat ihiwalay ang age verification sa identity verification. Aniya, kung layunin lamang na malaman kung pasok sa itinakdang age requirement ang isang user, sapat na dapat ang impormasyong kailangan para matukoy ito.
Mungkahi rin ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang paggamit ng Philippine Identification System (PhilSys), kung naaangkop at legal, para sa age assurance nang hindi kinakailangang ilantad ang buong pagkakakilanlan ng isang tao.
Sinang-ayunan naman ng National Privacy Commission ang konsepto ng “yes-no” age verification, kung saan tanging kinakailangang impormasyon tungkol sa edad ang ive-verify.
Bubuo ngayong buwan ang CICC ng Technical Working Group kasama ang Meta at Roblox upang pag-aralan ang mas mahigpit na hakbang laban sa online child grooming, fraud, at iba pang malisyosong aktibidad.
Ayon kay Paraiso, tatalakayin ng TWG ang mga rekomendasyon ng stakeholders, kabilang ang legal na proseso, data minimization, privacy, at teknikal na disenyo ng proposed age verification system.