Photo courtesy of Presidential Communications Office
Sinisiguro ng pamahalaan na ang mga pamumuhunan sa Pilipinas ay hindi lamang magdadala ng kapital, bagkus ay magpapalakas din sa mga negosyo sa bansa, lilikha ng mas maraming oportunidad, at magbibigay ng mas malaking papel sa ekonomiya.
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., higit pa sa panghihikayat sa dayuhang kapital ang istratehiya ng administrasyon sa pamumuhunan.
Aniya, kasama rin dito ang pagpapalakas ng domestic capabilities at pagbibigay-daan sa mga negosyo na maging mga producer, innovator, exporter, at investor.
“Sa lahat ng sektor na ito, hindi lamang pag-akit ng pamumuhunan ang ating layunin. Nais natin ang mga pamumuhunang magpapalakas sa ating ekonomiya at magpapalawak sa kakayahan ng mga Pilipino,” — Pangulong Marcos.
Sinabi ni Pangulong Marcos na nais ng pamahalaan na magtatag ang mga investor ng pangmatagalang operasyon sa bansa, magbahagi ng kaalaman at teknolohiya, hubugin ang talento ng mga Pilipino, at makipagtulungan sa mga lokal na supplier.
Binigyang-diin ng pangulo na layunin ng mga hakbang na ito na masiguro na mas malaking bahagi ng halagang nalilikha ng economic activity sa bansa ay pakikinabangan ng mga Pilipino.
“Dahil dito, namumuhunan tayo sa ating pinakamahalagang yaman—ang ating mga mamamayan,” — Pangulong Marcos.
Ito ang dahilan ayon kay Pangulong Marcos, kung bakit pinag-uugnay ng pamahalaan ang mga institusyong pang-edukasyon at industriya upang maihanda ang mga manggagawang Pilipino para sa mga kasalukuyang trabaho at mga umuusbong na industriya.