Ipinag-utos ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang pag-iimbentaryo sa lahat ng kanilang service vehicle makaraang mag-viral sa social media ang isa nilang police mobile na walang plaka habang bumabaybay sa Commonwealth Avenue.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng pag-iimbentaryo na tiyaking walang pagkukulang ang PNP sa mga sasakyan at palakasin ang pananagutan sa mga iresponsable nilang tauhan.
Magugunitang nag-viral sa social media ang post noong Setyembre 9 kung saan, nakuhanan ng larawan ang isang sasakyang nakatalaga sa Police Security and Protection Group (PSPG) na walang plaka.
Kinumpirma ng PNP ang naturang sasakyan na kabilang sa motor pool ng naturang yunit, subalit iginiit na dapat nakasusunod ito sa mga umiiral na reglamento.
Dahil dito, nagbabala si Nartatez na mahaharap sa administratibong proseso ng sinumang mapatutunayang magpapabaya at hindi sumunod sa tamang proseso.