Tahasang sinagot nina Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang planong pagsasampa ng kasong libel at cyberlibel laban sa kanila ng kampo ni Apollo Quiboloy.
Ayon kay Cendaña, mas gugustuhin niyang makasuhan ng libel kaysa maging sex trafficker, kasunod ng mga pahayag niya hinggil sa mga alegasyon laban kay Quiboloy.
Iginiit ni Cendaña na dapat harapin ni Quiboloy ang mga kasong kinakaharap nito sa Estados Unidos at dapat na itong ma-extradite upang humarap sa korte.
Sinabi rin ng mambabatas na walang-wala ang banta ng kaso kumpara sa umano’y pananakot at pandarahas na dinanas ng mga nag-aakusa kay Quiboloy at kanilang mga pamilya.
Samantala, sinabi ni De Lima na mistulang inililihis ng cyberlibel complaint ang tunay na isyu, na aniya ay ang pananagutan ni Quiboloy sa mga kasong kinakaharap nito.
Binigyang-diin ni de Lima na walang krimen sa hangaring magtagumpay ang hustisya at hinimok ang kampo ni Quiboloy na huwag nang sayangin ang resources ng gobyerno sa aniya’y walang-batayang kaso.
Sa halip, sinabi ni De Lima na dapat ituon ni Quiboloy ang kanyang oras at lakas sa pagtatanggol sa sarili laban sa kaniyang mga kaso.