Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P199.72 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Kabilang sa nakumpiska ang 28.3 kilo ng hinihinalang shabu at 4.7 kilo ng hinihinalang kush o isang uri ng high-grade marijuana.
Natagpuan din ang ilang tuwalya at duvet na binabad sa hinihinalang liquid marijuana.
Ayon sa BOC-NAIA, dumating ang shipment mula Toronto, Canada, at idineklarang “personal effects.”
Nadiskubre ang mga kontrabando matapos ang intelligence profiling, X-ray examination, at K-9 sweeping na nagpositibo sa posibleng presensya ng ilegal na droga.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga responsable at maisampa ang kaukulang kaso kaugnay ng mga kargamento.