Hindi itinitigil ng Marcos Administration ang pag-iimbestiga sa paggamit ng mga substandard na bakal at materyales sa konstruksiyon, upang matukoy ang lawak ng operasyon at upang maisakatuparan ang mga nararapat na hakbang nang hindi na maulit ang mga sakuna sa pagguho ng mga istraktura.
“And so ipinagpapatuloy namin ang imbestigasyon, ang paghahanap. Tinitingnan natin nang mabuti kung gaano kalaki ang operasyon. Dahil sa tagal na nilang nandiyan, siguro ‘yung mga naitayo nila, marami-rami na,” -Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, batay sa datos, nagsimula noong 2018 ang paglaganap ng paggamit ng mga substandard na materyales.
Mapanganib aniya ito dahil maaaring makompromiso ang tibay at integridad ng mga istrukturang itinatayo.
“Meron pa siguro tayong mga makikita dahil tuluy-tuloy ang paghahanap natin. Noong una, akala namin iilan lang. Tapos habang tumatagal ang investigation, baka mas marami pa pala. Napakadelikado niyan kasi ginagamit ‘yung bakal, eh substandard ‘yung bakal.” -Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, marahil ay inakala ng mga kontraktor na maayos ang isinagawang konstruksiyon, ngunit maraming aspeto ang dapat tingnan, at hindi lamang ang kalidad ng mga bakal na ginagamit.
“If you cannot trust your building materials, you cannot trust the building.” -Pangulong Marcos
Kahit pa kasi aniya sinusunod ng mga kontraktor ang mga itinakdang espesipikasyon, maaaring nagkaroon ng pagkukulang sa bahagi ng mga inspektor.
Dapat aniyang dumaan sa masusing inspeksiyon ang mga steel bar bago umalis sa pabrika upang matiyak ang kalidad ng produkto.
Dapat din aniyang palakasin ang mga ganitong sistema.
Kaugnay nito, si Pangulong Marcos, una nang nakipagpulong sa mga opisyal ng Coalition for Disaster Resilient Infrastructure (CDRI), sa India, matapos maging opisyal na miyembro ang Pilipinas sa pandaigdigang koalisyon na naglalayong palakasin ang mga imprastraktura ng bansa laban sa mga sakuna, at panganib na dulot ng climate change.
”Sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng CDRI, magkakaroon din ang Pilipinas ng access sa financing para sa mga proyektong naglalayong gawing mas matatag at disaster-resilient ang mga imprastraktura.” -PCO