📷: Art Show Philippines
Matagumpay na binuksan sa International Art Gallery sa Paris noong Setyembre 12, 2026 ang “The Filipino Diaspora,” isang makabuluhang exibisyon na nagpapakita ng mga tema ng migrasyon, alaala, at ang hindi matitinag na katatagan ng malikhaing espiritu ng Pilipino.
Dinaluhan ng mga manunuri ng sining, mga diplomat, at mga miyembro ng komunidad ng Pilipino ang naturang kaganapan, na nagsilbing tulay sa masining na ugnayan ng Pilipinas at Europa.
Pinangasiwaan ni Frederick Epistola ng Art Show Philippines ang exibisyon, kung saan itinampok ang mga obra na nagmumula sa iba’t ibang karanasan—mula sa mga abalang kalsada ng Luzon, Visayas, at Mindanao hanggang sa mga atelier ng Paris, Bologna, at Brussels.
“Ang The Filipino Diaspora ay higit pa sa isang koleksyon ng sining; ito ay isang tulay,” pahayag ni Epistola sa kanyang pambungad na pananalita. “Sa pamamagitan ng mga obrang ito, layunin naming maipakita ang kagandahan ng paghahanap ng bagong tahanan habang nananatiling nakatatak ang ating mga ugat sa puso ng ating kultura.”
Naging pangunahing tagapagsalita sa inaugurasyon si Consul General Noemi Diaz, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtatanghal ng kulturang Pilipino sa pandaigdigang entablado at ang pagpapatibay ng ugnayan ng mga bansa sa pamamagitan ng sining.
Naging mas makulay ang programa sa tulong ng mga kultural na pagtatanghal:
- Interpretative Dance: Isang nakababagbag-damdaming sayaw ng “Babalik Ka Rin” ang inihandog ni Florida Villazor na nagpakita ng emosyonal na bigat at lakas ng karanasan ng mga migranteng Pilipino.
- Tula: Nagbahagi si MaDittz Centeno De Jesus ng taos-pusong repleksyon sa pamamagitan ng kanyang tulang “Ang Mabuhay sa Kasalukuyan.”
- Tugtugan: Nag-alay ng makabagbag-damdaming pagtatanghal sina D’Elfee Leroy at Malcom Berger gamit ang musika.
Pormal na pinasinayaan ang kaganapan sa pamamagitan ng ribbon-cutting ceremony na pinangunahan nina Consul General Noemi Diaz, Consul Miko Cabigting, curator Frederick Epistola, organizer Apple Love Eve, gallery host George Levy, at ng mga tampok na pintor at artist.
Pinarangalan din sa naturang exibisyon si Christopher Alcantara bilang ‘Best in Show’ para sa kanyang obrang “Entre Deux Monde,” na humakot ng papuri dahil sa natatanging paglalarawan nito sa tema ng migrasyon at katatagan ng Pilipino.
Ang exibisyon, na tumakbo mula Setyembre 8 hanggang 12, 2026, ay nag-iwan ng malalim na tatak bilang patunay sa buhay at maipagmamalaking kulturang Pilipino saanman sa mundo.