Pinayagan ng Senate Impeachment Court na tumestigo si retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang bilang unang testigo ng House prosecutors para sa Article II ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth ng Bise Presidente.
Una nang tinutulan ng defense team o kampo ng Bise Presidente ang pagtestigo ni Cabotaje-Tang dahil, anila, maaari itong humantong sa pagbibigay ng legal conclusions na dapat ay manggaling mismo sa impeachment court.
Pero pinaboran ng impeachment court ang panig ng prosecution at sinabing maaaring tumestigo si Cabotaje-Tang tungkol sa mga prinsipyo ng batas kaugnay ng undisclosed at unexplained wealth at prohibited business interests.
Ayon kay public prosecutor Rep. Chel Diokno, mahalagang maipaliwanag ang mga kumplikadong probisyon ng batas upang maging malinaw sa impeachment court at sa publiko kung ano ang ipinagbabawal ng batas.
Sinabi naman ni Presiding Officer Sen. Chiz Escudero na maaaring kuwestiyunin ng defense ang testimony ni Cabotaje-Tang sa cross-examination.