Susuriin ng prosecution panel ang corporate earnings, negosyo, at malalaking property acquisitions na konektado kina Vice President Sara Duterte at kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio para matukoy kung tugma ang mga ito sa idineklarang yaman ng Bise Presidente sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ayon kay House Prosecution Spokesperson Ace Barbers, kabilang sa titingnan ang records ng Securities and Exchange Commission (SEC) para malaman kung kumikita ang mga kumpanyang nakarehistro sa kanila at kung naipasok ang mga kinita sa net worth ni Duterte.
Sisilipin din aniya kung ang halaga ng mga nabili nilang ari-arian ay naaayon sa idineklarang cash at iba pang assets ng Bise Presidente.
“Kasi syempre, kapag ikaw ay nagnegosyo, meron kang nirehistro na iyong korporasyon, di ba, so diyan natin makikita, kumikita ba yan, nalulugi ba yan, kung kumita ba yan, yan ba ay naipasok sa iyong net worth, no. Pangalawa, halimbawa, meron kang biniling property, no, at yung binili mong property ay let’s say sobra doon sa pera na idineklara mo na cash on hand or cash in bank, no, eh merong malaking question mark yun,” paliwanag ni Barbers.
Samantala, sinabi ni House prosecutor Terry Ridon na kung gagamitin ni VP Sara ang kaniyang constitutional right laban sa self-incrimination, hindi awtomatikong nangangahulugang maaari ring gamitin ni Carpio ang parehong depensa.
Ayon kay Ridon, mahalaga ang testimonya ni Carpio dahil kailangang matukoy ang aktuwal na lawak ng kanilang mga ari-arian, financial interests at mga kumpanyang konektado sa mag-asawa.
Ang mga financial records nina Duterte at Carpio ay gagamitin ng prosecution sa pagsusuri sa alegasyon ng unexplained wealth laban sa bise presidente.
“So, if the Vice President for example will insist on her right against self-incrimination, I don’t think Atty. Carpio can actually raise that same particular point… Syempre very relevant po yung asawa po ng Pangalawang Pangulo dahil syempre basically kung ano po yung pag-aari ni Atty. Carpio ay pagmamay-ari din po ng atin pong Pangalawang Pangulo,” saad ni Ridon.