Apat na dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration sa magkakahiwalay na operasyon sa Rizal, Quezon City at Mandaluyong City dahil sa umano’y paglabag sa immigration laws.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., kabilang sa mga naaresto ang Indian nationals na sina Lamber Singh at Ranjodh Singh sa Cainta, Rizal, at Kulwinder Singh Gill sa Quezon City. Iniimbestigahan din ang umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa 5-6 lending activities.
Sa Mandaluyong City naman, inaresto ang Iranian national na si Saeid Bahadoran Baghbaderani dahil sa umano’y pagnenegosyo nang walang kaukulang visa at iba pang immigration violations.
Dinala ang apat sa BI Warden’s Facility habang hinihintay ang deportation proceedings.
Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado na mananagot ang mga dayuhang lalabag sa immigration laws ng bansa.