Photo courtesy of Office of the Executive Secretary Facebook
Pormal nang binuksan dito sa bansa ang ASEAN Ministerial Conference on Disaster Resilience 2026, kung saan binigyang-diin ng pamahalaan ng Pilipinas ang kahalagahan ng mabilis at magkakatuwang na pagtugon sa lumalalang banta ng kalamidad sa rehiyon.
Sa mensaheng binasa ni Executive Secretary Ralph Recto para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., iginiit nito na hindi dapat huminto sa mga hangganan o borders ng bansa ang pagtutulungan lalo’t nananatiling pinaka-disaster prone na rehiyon ang Timog-Silangang Asya.
Isinusulong din ng Pilipinas ang Manila-ASPECT Framework at RISE ASEAN Agenda upang palakasin ang ugnayan ng mga miyembrong bansa bago pa man tumama ang mga bagyo at lindol. Sa kabila ng pagiging numero uno sa World Risk Index noong nakaraang taon, nanindigan ang administrasyon na patuloy nitong palalakasin ang maagang paghahanda sa pamamagitan ng Declaration of State of Imminent Disaster Act.
Tiniyak din ng Pilipinas bilang punong-abala na gagamitin ang nasabing dalawang araw na pagpupulong upang maisalin sa kongkretong aksyon ang mga pandaigdigang kasunduan para sa proteksyon ng bawat komunidad.