Bilang pag-iingat at proteksyon para sa seguridad ng mga residente at mga foreign worker sa ilang lungsod sa Saudi Arabia, nagpalabas ang civil defense nito ng emergency warning kaugnay sa mga missile at drone attacks at iba pang posibleng banta dulot ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan, ayon sa embahada ng Pilipinas sa Riyadh.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Philippine Ambassador to the Kingdom of Saudi Arabia at Republic of Yemen, Raymond R. Balatbat, sinabi nito na ginawa ng gobyerno ng Saudi Arabia ang hakbang na ito upang makapagbigay ng mga wastong impormasyon at maiwasan ang mas malalang epekto sa mga apektadong lugar.
Ayon rin kay Ambassador Balatbat, nananatiling kalmado at mapayapa ang pamumuhay ng karamihan sa Saudi Arabia at tuloy-tuloy ang pagtatrabaho ng mga mamamayan kabilang na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi rin ng opisyal na, nakikipag-ugnayan sila sa mga kosulado ng Pilipinas sa mga apektadong lungsod at wala naman aniyang naiulat na naapektuhang mga Pilipino.
Nagpaalala na rin ang embahada para sa mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Saudi Arabia, na manatiling kalmado, mapagmasid at sumunod sa mga paalala ng gobyerno para sa kanilang kaligtasan.