Hindi na dapat patagalin pa ang pagpapatibay ng Anti-Political Dynasty Law.
Ito ang binigyang-diin ni Mamamayang Liberal Party-list Representative at House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima kasunod ng ruling ng Supreme Court na nag-uutos sa Kongreso na aksyunan ang pagpasa ng batas laban sa political dynasties.
Ayon kay De Lima, sinabi mismo ng Supreme Court na ang 39 na taong kabiguan ng Kongreso na magpasa ng naturang batas ay maituturing na “grave abuse of discretion.”
Diin ng mambabatas, magiging mas mabigat ang naturang paglabag kung lalo pang maaantala ang pagpasa ng tunay na anti-dynasty law o kung isang batas na lehitimong magpapalakas sa political dynasties ang maisasabatas.
Iginiit ni De Lima, na hindi niya sinuportahan ang bersyong ipinasa ng Kamara kaya umaasa siyang ang bersyong aaprubahan ng Senado ay tunay na magbabawal sa political dynasties.
Umaasa rin siya na kapag sumalang na sa bicameral conference committee ang panukala, mananaig ang tunay na diwa, at layunin ng Konstitusyon.