Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampaniya kontra sa mga naglipanang fixer na nagsasamantala sa mga nagnanais pumasok sa hanay ng pulisya.
Ito’y para maiwasan ang impluwensya ng pera, kapangyarihan, at personal na koneksyon sa pagtanggap ng mga bagong tauhan.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kaniya nang inatasan ang lahat ng Police Regional Office at National Support Units na mahigpit na subaybayan at supilin ang “slot-for-sale” scheme.
Ginawa ng PNP Chief ang direktiba habang pinangangasiwaan ang panunumpa sa 7,000 bagong talagang Patrolman at Patrolwomen para sa National Support Units sa ilalim ng 2026 regular at attrition recruitment program kahapon.
Kabilang sa mga bagong recruit ang 5,100 mula sa attrition quota at 2,000 mula sa regular recruitment quota.
Sa mga ito, 946 Patrolmen at Patrolwomen ang nanumpa sa Kampo Crame at itatalaga sa National Support Units, habang ang iba pa ay sinalubong sa kani-kanilang regional offices.