Nakapagtala ang Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT-3) ng bagong record high sa daily ridership ngayong taon matapos umabot sa 502,264 ang bilang ng mga pasahero kahapon, September 16, 2026.
Ito na ang ikalawang pagkakataon ngayong taon na lumampas sa 500,000 ang daily ridership ng MRT-3, matapos ang 501,875 na pasahero na naitala noong Agosto 26.
Kasama sa kabuuang bilang ang mga pasaherong nakinabang sa libreng sakay para sa mga kawani ng gobyerno na isinagawa buong araw kahapon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Civil Service Month.
Ngayong Huwebes, September 17, tuloy-tuloy ang libreng sakay para sa mga National ID holder mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at alas-5 hanggang alas-7 ng gabi, bilang pakikiisa sa Global Identity Day.
Maaaring magpakita ng physical National ID, Digital National ID, o ePhilID na nasa paper format para makapag-avail ng libreng sakay.