Pinapurihan ng liderato ng Eastern Police District (EPD) ang mga tauhan ng Mandaluyong City Police Office gayundin ng EPD SWAT teams..
Ito’y matapos ang matagumpay na pagresolba sa insidente ng hostage taking sa isang 52 anyos na babae sa Brgy. Barangka Drive, Mandaluyong City, kahapon.
Kinilala lamang ni EPD Director, Police Brigadier General Roman Arugay ang suspek sa alyas na “Ed” na naaresto dahil sa mga kasong Serious Illegal Detention at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o ang Illegal Possession of Deadly Weapon..
Nangyari ang insidente sa ikalawang palapag ng isang apartment building sa E. Pantaleon street kung saan, iniulat ito sa mga pulis ng mga nagmalasakit na residente.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na bagong laya ang suspek at sinasabing ninanais na lamang nitong bumalik sa kulungan.
Sa kasagsagan ng negosasyon, nakakuha ng pagkakataon ang mga pulis para sunggaban ang suspek, dahilan upang masagip ang biktima at makuha ang kutsilyong ginamit sa pangho-hostage..
Agad dinala sa Mandaluyong City Medical Center ang biktima para bigyan ng paunang lunas at ngayo’y nasa ligtas nang kalagayan.