Naglabas ng panibagong panuntunan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hinggil sa in-patient admissions o confinement sa ospital ng mga pasyente.
Ayon sa state insurer, hindi na kailangan pang manatili ng 24 oras sa ospital ng pasyente para magamit ang mga benepisyo nito.
Batay sa inilabas na Circular 2026-0013, sasagutin na ng PhilHealth ang anumang in-patient admission na wala pang 24 oras dahil sa kinakailangang ilipat sa ibang ospital o emergency transfer.
Gayundin ang mga admission na nauwi sa pagpanaw ng pasyente.
Ayon kay Dr. Alfred Philip De Dios, PhilHealth Vice President ng Quality Assurance Group at Corporation Spokesperson, magiging epektibo ang circular bukas, September18 matapos itong mailathala sa pahayagan noong September 3.
Layunin ng polisiya na mapalawak ang access ng mga PhilHealth member sa kanilang benepisyo at makatulong na mabawasan ang kanilang gastusin sa pagpapagamot.
Pero paglilinaw ng PhilHealth, para lamang ang awtomatikong coverage na hindi aabot ng 24 oras sa mga malulubhang kaso o life-threatening medical conditions at nakadepende sa medical necessity ng in-patient admission na suportado ng dokumento.
Bukod diyan, hindi rin sakop ng bagong panuntunan ang consultation, outpatient procedure o oobeserbahan lang na pasyente dahil covered naman ito ng Outpatient Emergency Care Benefit Package.
Gayundin ang pasyente na dead on arrival o mga kasong idineklara lamang na namatay nang walang isinagawang medikal na serbisyo.