Suportado ng Department of Energy (DOE) ang desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ipatupad ang Secondary Price Cap sa Visayas at Mindanao.
Layunin nitong protektahan ang mga consumer laban sa biglaang pagsipa ng presyo ng kuryente kapag kapos ang suplay.
Batay sa simulation ng ERC, maaaring bumaba ng 54% ang average Wholesale Electricity Spot Market (WESM) price sa Visayas—mula ₱18.59 tungo sa ₱8.47 kada kilowatt-hour.
Sa Mindanao naman, inaasahang bababa ito ng 56%, mula ₱19.56 tungo sa ₱8.69 kada kilowatt-hour.
Gayunman, hindi nangangahulugang ganito rin kalaki ang magiging bawas sa aktuwal na electricity bill ng bawat consumer, dahil nakadepende ito sa power supply mix ng kanilang distribution utility.
Inatasan naman ang Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) na muling kalkulahin ang August 2026 market settlements at maglabas ng revised billing statements sa o bago ang September 20.
Patuloy din ang DOE sa mga hakbang para mapatatag ang suplay ng kuryente, kabilang ang pagbabalik-operasyon ng mga hindi gumaganang planta at pagpapalakas ng battery reserves.