Magpapatupad ng road closures at rerouting ang Manila Police District (MPD) sa ilang bahagi ng Maynila simula alas-12:01 ng madaling araw sa Setyembre 21, para sa inaasahang mga kilos-protesta sa naturang araw.
Sa Chino Roces Bridge o Mendiola area, isasara ang bahagi ng C.M. Recto Avenue mula N. Reyes hanggang Mendiola at Legarda Street mula Figueras hanggang San Rafael.
Isasara rin ang Magallanes Drive mula Jones Bridge hanggang MacArthur Bridge sa Liwasang Bonifacio.
Sa Ayala area, isasara ang Ayala Bridge at Eastbound Lane ng Ayala Boulevard mula San Marcelino hanggang Romualdez Street.
Pinayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga itinalagang alternatibong ruta sa N. Reyes, Figueras, Earnshaw, Jones Bridge, P. Burgos, San Marcelino, Taft Avenue, C. Palanca at P. Casal upang makaiwas sa abala.