Aminado si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na napakalayo pa ng tatakbuhin ng bansa bago makamit ang minimithi nitong modernisasyon pagdating sa estado ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa panayam ng Mark In, Mark Out sinabi ni Sec. Teodoro na hindi magiging ganap ang pagbubuhos ng pondo bunsod na rin ng mga konsiderasyon ng fiscal space ng bansa bagay na naiintidihan ng Department of National Defense (DND).
Aniya, malalim kasi ang pinag-ugatan ng tila pagkakaiwan ng Sandatahang Lakas ng bansa kung ikukumpara sa iba pang Armed Forces sa buong mundo dahil hindi na talaga natutukan ang mga pangangailangan nito.
Bukod kasi sa kakulangan sa basic facilities, equipments at armory ay nabawasan pa imbes na madagdagan ang base military sa bansa.
Isa rin sa mga nakita ni Teodoro na dapat labis na matutukan ng bansa ang mas matibay at istratehikong road network na magagamit din sana ng military upang mas mapaigting ang pagtatanggol sa bansa.
Kinakailangan na rin na makasabay ng bansa sa panahon dahil ang labanan hindi na lang sa physical battlefield kundi maging sa cyberspace gamit ang information warfare, bagay na dapat mas matutukan ng bansa upang masugpo ang anumang cyber threats.
Binigyang-diin din ni Teodoro, na higit sa procurement ng mga makabagong gamit at sandata dapat ay magkaroon din ng pagsasanay at capacity building sa mga miyembro ng AFP upang totoong magamit at mapatakbo ang mga gamit at teknolohiyang ito.