Photo courtesy of Department of Budget and Management (DBM)
Ipinaliwanag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert De Leon na dumaraan sa masusing pagsusuri ng Kamara de Representantes ang panukalang national budget bago ito maaprubahan.
Ayon kay De Leon, kailangang humarap ang mga ahensya ng gobyerno sa House Committee on Appropriations upang ipagtanggol ang kanilang hinihinging pondo at patunayang kailangan, kapaki-pakinabang at handang ipatupad ang kanilang mga programa.
Matapos ang committee hearings, inihahanda ang bersyon ng Kamara ng General Appropriations Bill (GAB) bago ito sumailalim sa plenary deliberations at tatlong pagbasa.
Binigyang-diin ng DBM na bawat pisong inilalagay sa national budget ay pera ng taumbayan kaya kailangang tiyaking may malinaw na layunin at pakinabang ang bawat pondong ilalaan.
Kapag naaprubahan ng Kamara ang GAB, isusumite naman ito sa Senado para sa sarili nitong pagsusuri.