Napapanahon na ang pagpasa ng Anti-Political Dynasty Bill dahil malinaw naman na nakasaad sa Konstitusyon ng Pilipinas na bawal ang pagkakaroon ng Political Dynasty sa bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Prof. Ederson Tapia, Dean ng College of Continuing, Advanced and Professional Studies sa University of Makati, sinabi nito na ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema ay hindi nangangahulugang nanawagan ang hudikatura sa kongreso na gumawa ng Anti-Political Dynasty Bill kundi bagkus ay inuutusan ito na tuparin ang kanilang mandato.
Sa pananaw ng Public Administration professor, kuwestiyunable rin aniya kung tutuparin ng mga mambabatas ang atas ng Korte Suprema lalo’t marami sa nakaupo sa puwesto ay nasa ilalim ng political dynasty at bagay na lubhang makaaapekto sa kanila.
Posible rin aniyang dumating ang pagkakataon na magkaroon ng people’s initiatives para maipasa lamang ang Anti-Political Dynasty Bill kung hindi pa naglabas ng desisyon ang Korte Suprema.
Dagdag pa ni Tapia, bukod sa Political Dynasty, mas nagging aktibo na rin ang Korte Suprema sa mga isyu na kinahaharap ng bansa.