Inihayag ni House Deputy Speaker Janet Garin na ipinagpaliban ng House of Representatives ang deliberasyon sa proposed 2027 budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa Saturday News Forum, sinabi ni Garin na kailangan munang ipakita ng DICT ang konkretong plano nito sa pagtugon sa mga problema sa social media.
Kabilang sa mga binigyang-diin ang online scams, mapanganib na content at recruitment ng kabataan sa masasamang gawain.
Iginiit din ng mambabatas ang pananagutan ng social media platforms at hinamon ang DICT na makipag-ugnayan sa mga ito at sa iba pang ahensya ng gobyerno.
Iminungkahi rin ang whole-of-government approach, kabilang ang posibleng pagbuo ng task force para tugunan ang mga problemang may kaugnayan sa social media.
Sinabi pa ng Deputy Speaker na kailangang ipakita ng DICT ang plano, mga hakbang at koordinasyon nito bago maituloy ang deliberasyon sa proposed budget ng ahensya.
