Mariing itinanggi ni House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers ang mga paratang na gawa-gawa lamang ang mga kasong kriminal laban sa ilang senador-judges upang pigilan silang lumahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at posibleng mapababa ang bilang ng mga botong kailangan para sa hatol na pagkakasala.
Ayon kay Barbers, ang mga problemang legal na kinakaharap ng bawat indibidwal na senador ay dapat husgahan batay sa kani-kanilang mga ebidensya.
Hindi umano dapat awtomatikong iugnay ito bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan para manipulahin ang proseso ng impeachment.
Sagot ito ni Barbers sa pangamba ng kampo ni Duterte na ang paggamit ng variable denominator ay maaaring magbigay-daan sa gobyerno upang puntiryahin ang mga senador-hukom at bawasan ang kinakailangang boto para sa conviction.
Kabilang sa mga kinakaharap na kasong kriminal sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Jinggoy Estrada, na kapwa nasa kustodiya kaugnay ng mga kasong plunder. Si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa naman ay hindi dumadalo sa impeachment trial dahil sa umiiral na arrest warrant, habang si Sen. Loren Legarda ay matagal nang hindi nakadadalo dahil sa medical leave.
Kahapon naman ay inanunsyo ng Ombudsman ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa ilang miyembro ng pamilya Villar at mga opisyal ng PrimeWater kaugnay ng mga joint venture agreement nito sa tatlong local water districts.