Itinutulak ng isang Japanese business group ang pagpapalakas pa o pag-upgrade ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Comprehensive Economic Partnership (AJCEP) gayundin ang pagpapataas ng co-creation partnerships sa pagitan ng dalawang panig.
Ang nasabing panawagan ay kabilang sa mga iminumungkahing patakaran na isinumite ng Federation of Japanese Chambers of Commerce and Industry in ASEAN (FJCCIA) sa isang high-level dialogue kasama si ASEAN Secretary-General Dr. Kao Kim Hourn nitong Biyernes ng gabi sa Pasay City.
Nakatutok ang mga rekomendasyon sa apat na pangunahing bahagi: supply chains, green transformation, digitalization, at human capital.
Ang mga ito ay batay sa ginawang survey sa 1,041 kumpanyang kasapi ng FJCCIA na naglalayong magkaroon ng mas maayos at mas madaling kapaligiran para sa pamumuhunan sa buong rehiyon.
Ayon kay FJCCIA Chair Shimoda Shigeru, hindi maihihiwalay ang mga larangang ito sa isa’t isa.
“Supply chains, green transformation, digitalization, and human capital are inseparable. We call this approach integrated resilience. FJCCIA strongly supports ASEAN Community Vision 2045,” ani Shimoda.
Binigyang-diin din ng Japanese official na nananatiling matatag ang commitment ng mga Japanese company sa ugnayan nito sa ASEAN.
Kabilang din sa mga hiling ng grupo ang overall implementation ng revised ASEAN Trade in Goods Agreement o ATIGA mas mahigpit na pagbabantay sa mga non-tariff measures, pagbabawas ng mga bureaucratic burden, at ang ganap na pag-digitize ng mga pamamaraan sa kalakalan sa pamamagitan ng ASEAN Single Window.
Bukod dito, isinusulong din ng FJCCIA ang pagpapalawak ng ASEAN Power Grid at ang kalakalan ng renewable energy sa mga hangganan, pati na rin ang maagang pagtatapos at pagpapatupad ng ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA).
Ikinatuwa naman ni ASEAN Secretary-General Kao Kim Hourn ang mga rekomendasyon at sinabing ang mga larangang binanggit ay pangunahing prayoridad din ng ASEAN.
Ani Kao, patuloy na isinusulong ng rehiyon ang mga mahahalagang inisyatiba tulad ng upgraded ATIGA, ASEAN Single Window 2.0, ASEAN Power Grid, DEFA, at ang pagpapalakas ng kasanayan at talento ng mga mamamayan.
Ang FJCCIA ay kumakatawan sa humigit-kumulang 7,400 kumpanyang Hapon na nag-ooperate sa buong Timog-Silangang Asya.