Diretsahang hiningi ni House Committee on Energy Chair Jose Alvarez ang paliwanag kung bakit patuloy na nakararanas ng Yellow at Red Alerts ang Visayas power grid sa kabila ng power transfer mula Luzon at Mindanao.
Ipinaliwanag ni DOE Undersecretary Mario Marasigan na limitado sa 250 megawatts ang maaaring ilipat mula Luzon patungong Visayas dahil ito ang kapasidad ng transmission line.
Samantala, 450 megawatts ang transfer capacity mula Mindanao, ngunit nasa 50 megawatts lamang ang kasalukuyang maaaring maipadala dahil sa sabay-sabay na outage ng malalaking power plants doon.
Ayon kay Marasigan, kulang din ang conventional at baseload plants sa ilang bahagi ng Visayas habang nakadepende ang ilang lugar sa renewable energy na hindi tuloy-tuloy ang generation.
Kaya naman kapag may isang planta na nag-outage, mabilis aniyang sumisikip ang suplay dahil limitado rin ang generation mula solar, hydro at biomass. Pag-amin ni Marasigan na posible pa ring magkaroon ng Yellow o Red Alert sa ikalawa at ikatlong linggo ng Oktubre.