Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magtatatag ng isang komprehensibo at proactive na sistema para sa kaligtasan ng mga paaralan sa buong bansa.
Pumasa ang Senate Bill No. 2426 o ang panukalang Comprehensive School Safety Act sa botong 17 na senador ang pabor, walang tutol at walang abstention.
Ayon kay Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Bam Aquino, na siyang pangunahing sponsor ng panukala, dapat maging ligtas na lugar ang mga paaralan para sa pagkatuto at pagbuo ng pangarap ng mga kabataan at hindi maging lugar ng takot at karahasan.
Itinulak aniya ang panukala matapos ang ikatlong insidente ng school shooting sa loob lamang ng tatlong buwan, kabilang ang insidente noong Biyernes sa South Cotabato na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng iba pa.
Sa ilalim ng panukala, bawat paaralan ay kailangang magkaroon ng sariling School Safety Plan, na nakatuon sa tatlong pangunahing aspeto: prevention, emergency response at recovery.
Kabilang sa mga nakapaloob sa panukala ang risk assessment at training, malinaw na lockdown at evacuation procedures, psychosocial support at mas mahigpit na physical security gaya ng metal detectors, mandatory bag checks, at CCTV sa common areas.
Ipinagbabawal din ang paggamit ng gadgets habang may klase, maliban sa mga pahihintulutang sitwasyon.
Maglalaan din ng suporta para sa mga guro, kabilang ang pagbabawas ng teaching load, legal assistance at regular na safety training habang magkakaroon naman ng mandatory orientation para sa mga magulang at guardian. Ayon kay Aquino, mahalaga ang malinaw na sistema para sa oras ng krisis ay alam agad ng mga paaralan kung kailan magla-lockdown, kailan lilikas at kung sino ang dapat tawagan para sa agarang tulong.