Mas pinaigting ng Department of Health (DOH) at ng World Health Organization (WHO) ang kampanya sa pagsusulong ng responsableng pamamahayag tungkol sa mga kasong may kinalaman sa suicide.
Ayon kay DOH Health Literacy and Behavior Change Division OIC Jason Roque, mahalaga ang papel ng media upang makapagbigay ng impormasyon ngunit dapat din umanong isaalang-alang ang mga sensitibong impormasyon tungkol sa mga ulat na may kinalaman sa suicide.
Aniya kailangan parehong maging responsable at nagpapakita ng kalinga ang mga ulat na ilalabas ng media tungkol sa mga usaping ito.
Bukod kasi sa mga biktima at pamilya ng mga suicide victims dapat ding isaalang-alang ang pakiramdam ng mga nasa vulnerable group mula edad 15 hanggang 29.
Lumalabas kasi sa pag-aaral ng World Health Organization na 700,000 na indibidwal sa buong mundo ang namamatay kada taon ng dahil sa suicide.
Paalala pa ng DOH sa publiko na dapat maging mapagmatyag din sa mga posibleng senyales ng suicidal tendencies upang agad itong mapigilan.
Kasama na rito ang pagsasabi ng isang indibidwal ng kawalan ng pag-asa o pagsasabi na gusto na nitong mawala, labis na pagkalungkot, mood swings, biglaang pagkagalit, kawalan ng interes, withdrawal sa mga dati nitong aktibidad at isolation o pagkukulong sa isang lugar.