Binigyang-diin ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo ang malaking potensiyal at pakinabang na maaaring makuha ng Pilipinas mula sa itatayong Pax Silica Project sa New Clark City, Tarlac.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Rodolfo na kinakailangan pa ng bansa na makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa larangan ng teknolohiya.
Ito na ang tamang panahon upang patunayan ng bansa na hindi lang labor force, raw materials, at semiconductor component ang kayang mai-ambag ng Pilipinas.
Inihayag din ng opisyal na ang pagtaas ng demand para sa mga semiconductor—na dulot ng mabilis na pag-usbong ng artificial intelligence (AI)—ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nakapagtala ang bansa ng record-high merchandise exports noong 2025.
Iginiit din ng DTI na patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang iba’t ibang inisyatibo, kabilang ang Philippine Semiconductor and Electronics Industry Roadmap na inilunsad noong 2024.
Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng bansa sa integrated circuit design, assembly, testing, at packaging.