Labis na ikinalungkot ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang pagpanaw ni Batanes Lone District Representative Ciriaco Gato Jr.
Pumanaw ang mambabatas nitong Semptember 21 sa edad na 66.
Ayon sa NPC, isang tapat na lingkod-bayan, manggagamot, at mahalagang miyembro ng partido si Gato.
Bilang isang medical doctor at chairperson ng House Committee on Health, inialay umano ni Gato ang kanyang serbisyo sa pagsusulong ng kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino.
Sinabi ng NPC na malalim ang pangungulila sa kanyang pagpanaw, lalo na ng mga taga-Batanes, mga kasamahan sa Kongreso at mga taong kanyang natulungan.
Nagpaabot naman ang partido ng pakikiramay at panalangin sa pamilya at mga mahal sa buhay ng kongresista.
Magsisimula ngayong araw, Setyembre 22, ang wake at viewing ni Gato sa Arlington Memorial Chapels.
Kagabi, sa gitna ng budget deliberations ay nag-alay ng maikling dasal ang Kamara para sa yumaong kasamahan.