Kumpiyansa ang Department of Energy (DOE) na positibong masu-sustain ang pagbaba ng presyo ng langis sa world market hanggang Biyernes upang makapagtala ng rollback sa petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad malaki na ang ibinaba ng presyo ng petrolyo sa world market, sa ikatlong trading day pa lang bumaba na agad ng US$17 kada bariles.
Bunsod umano ito ng commitment ng Saudi Arabia na pag-deliver ng crude oil sa buyers nito sa kabila ng tensiyon sa Gitnang Silangan.
Oras naman na maituloy na ng Saudi Arabia ang karagdagan nitong shipment ng malaking volume ng crude oil ay tiyak ang magiging patuloy na pagbaba ng presyo ng petrolyo.
Puspusan na rin ayon kay Abad ang pagkumpuni ng Saudi sa petrol line sa Red Sea at sa Strait of Hormuz na napinsala ng mga pag-atake.
Ayon sa opisyal ang pagkasira ng petrol lines ang naging main factor sa naging sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis nitong mga nagdaang linggo.
Kaugnay nito nilinaw ng DOE na malabo pang bumalik sa dating ₱150-₱155/litro ang presyo ng diesel gaya noong April 2026.