Aabot sa P242.53 bilyon ang panukalang budget para sa Philippine National Police o PNP sa 2027—P15.98 bilyon na mas mataas kumpara sa P226.55 bilyong budget ngayong 2026.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, layunin ng panukalang budget na palakasin hindi lamang ang kakayahan ng PNP sa paglaban sa krimen kundi pati ang compensation, mga kagamitan, teknolohiya at kapakanan ng mga pulis.
Kabilang dito ang P100.549 bilyon para sa second tranche ng salary adjustment ng uniformed personnel, at P28.670 bilyon para sa P350 araw-araw na subsistence allowance ng 224,421 PNP personnel.
May P697.18 milyon din para sa pagkuha ng 2,000 bagong patrolmen at patrolwomen, habang P2.186 bilyon ang ilalaan para mapunan ang mga bakanteng uniformed positions.
Samantala, P225.754 bilyon ang nakalaan sa Crime Prevention and Suppression Program, habang mananatili ang P2 bilyon para sa Capability Enhancement Program para sa mobility, communications, firepower at anti-terrorism equipment.
May P3.12 bilyon para sa information and communications technology o ICT, at P1.499 bilyon para sa infrastructure projects. Para naman sa kapakanan ng mga pulis at kanilang pamilya, may P1.74 bilyon para sa rice subsidy, P280.67 milyon para sa hospitalization at healthcare, at P125.11 milyon para sa Bantay Kaisipan Health Program.