Ipinatutupad na ng Bureau of Internal Revenue ang pilot testing ng Document Tracking and Management System o DTMS.
Nakapaloob ito sa Revenue Memorandum Order No. 21-2026 na bahagi ng digitalization efforts ng ahensya at para mapahusay ang traceability at accountability sa mga opisyal nitong dokumento.
Sa ilalim nito, awtomatikong binibigyan ng Document Control Number ang bawat dokumento para masundan ang status, lokasyon at chain of custody nito.
Kabilang sa mga dokumentong tina-track ang mga memorandum at liham, requests para sa tax case verification at information, tax case dockets, retrieval requests, at confidential information.
Saklaw sa pilot testing ang ilang tanggapan ng BIR, kabilang ang Resource Management Group, Administrative Service, at Records Management Division.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, layon ng sistema na mabawasan ang posibilidad na mawala o ma-misplace ang mga records, mapabilis ang koordinasyon at mapalakas ang accountability sa paghawak ng dokumento.