Isiniwalat ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na hindi na nakikipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ) ang karamihan sa mga pamilya ng ‘missing sabungeros’.
Napansin aniya nila na unti-unting nawawala na ang mga ‘complainants’ sa kaso at tuluyang hindi na nakikipag-usap sa kagawaran.
Ayon kay Prosecutor General Fadullon, ang kasong isinampa sa korte ng Sta. Cruz, Laguna, tatlong ‘complainants’ ang naipresenta ngunit dalawa sa kanila ay naputol na ang komunikasyon o hindi na makontak.
Habang ang mga kaso naman sa korte ng Lipa City, Batangas at San Pablo, Laguna ay hindi na rin umano nakikipag-ugnayan ang mga pamilya ng biktima.
Sinusubukan pa rin ng DOJ na ma-contact ang mga ito ngunit maging sa pribadong abogado ng complainants ay hindi na sila nakikipag-ugnayan.
Gayunpaman, ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, mayroon pa rin natitirang isang pamilya ang patuloy na nakikipag-ugnayan sa Department of Justice.
Binigyang diin ng opisyal na magpapatuloy pa rin ang kaso kahit pa wala na o hindi na nakikipag-ugnayan ang pamilya ng mga biktimang sabungeros.