Suportado ni Senate Finance Committee Chairman Senador JV Ejercito ang pagpapalakas sa cybercrime units ng Department of Justice at National Bureau of Investigation para labanan ang tumataas na kaso ng online fraud, scams at iba pang cybercrimes.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance para sa 2027 proposed budget ng DOJ at mga attached agencies nito, iginiit ni Ejercito na kailangang tiyakin ang sapat na pondo para sa Cybercrime Divisions ng DOJ at NBI dahil halos lahat ng aktibidad ay online na, kabilang ang mga ilegal na gawain.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isa sa pinakaabala nilang tanggapan ang NBI Cybercrime Division, na humahawak ng pito hanggang walong kaso sa bawat sampung cybercrime cases kada buwan.
Sinabi ni Matibag na kabilang sa kanilang mino-monitor ang nihilistic violence sa pamamagitan ng dark web.
Nasa ₱175 million ang nakalaang pondo para sa NBI Cybercrime Division sa panukalang 2027 budget, na gagamitin sa pagbili ng mga kagamitan at tools para palakasin ang kakayahan ng ahensya.
Sinuportahan din ni Ejercito ang plano ng NBI na magtalaga ng liaison officers o attaché sa mga bansang maraming overseas Filipino workers (OFWs) para matulungan ang mga OFW na nabibiktima ng cyber fraud.
Samantala, tinanong ni Ejercito ang NBI hinggil sa posibleng involvement ng transnational criminal groups at foreign entities sa cyber scams, information manipulation at trolling sa bansa.
Ayon kay Matibag, may matibay silang indikasyon ng information manipulation at interference ng foreign entities.
Sinabi ng NBI na isinusulong nito ang pagtatatag ng Transnational Crime Investigation Unit para tugunan ang ganitong mga aktibidad, na maaari aniyang magkaroon ng economic at political implications.