Photo courtesy of Rep. Miro Quimbo
Isinusulong ni Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo ang panukalang batas na magtataas sa Excise Tax sa mga high-value na sasakyan at non-essential goods.
Sa House Bill 11465, papatawan ng 50% ad valorem tax ang mga sasakyang nagkakahalaga ng higit ₱4 milyon hanggang ₱8 milyon, at 75% naman sa mga sasakyang higit ₱8 milyon ang halaga.
Mananatili naman ang kasalukuyang tax rates para sa mga sasakyang nagkakahalaga ng ₱4 milyon pababa.
Ayon kay Quimbo, maaaring makalikom ang panukala ng karagdagang ₱3.91 bilyon kada taon mula sa Excise Tax sa mga sasakyan.
Itataas din sa 25% mula sa kasalukuyang 20% ang buwis sa non-essential goods, kabilang ang mga yacht, jet ski, speedboat, sailboat, motorboat, at leisure aircraft.
Samantala, aalisin naman sa listahan ng mga produktong saklaw ng buwis ang perfumes at toilet waters.
Ayon kay Quimbo, layunin ng panukala na gawing mas progresibo ang sistema ng pagbubuwis sa pamamagitan ng mas malaking tax burden sa luxury at discretionary consumption, habang hindi nadaragdagan ang pasanin ng ordinaryong taxpayers.