Nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro sa umano’y lumalawak na impluwensiya ng China at Chinese Communist Party (CCP) sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni Teodoro na ginagamit umano ng China ang tinatawag na “United Front” para palawakin ang impluwensiya nito sa pamamagitan ng mga indibidwal at organisasyon.
Kabilang umano sa mga paraan nito ang academic exchanges, scholarships at pagtatatag ng mga cultural at community organizations.
Sinabi ng kalihim na maaari umanong gamitin ang mga ganitong ugnayan para magkaroon ng access sa iba’t ibang sektor at makalikom ng impormasyon.
Ikinumpara rin ng kalihim ang mga ganitong aktibidad sa mga naiulat na kaso sa United States, Australia at United Kingdom. Dahil dito, binigyang-diin ni Teodoro ang pangangailangan ng mas mataas na public awareness at mas matibay na national security measures.