Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit P10 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa Himamaylan City, Negros Occidental.
Ito ay matapos ang ikinasang operasyon sa Sitio Batang, Barangay Talaban kung saan naharang ng mga awtoridad ang shipment na inihahandang ilipat.
Naaresto sa operasyon ang 22-taong-gulang na lalaki, habang dalawa pa ang pinaghahanap.
Narekober ng mga awtoridad ang 88 master cases at 176 kahon ng iba’t ibang klaseng sigarilyo na kulang sa kinakailangang permit at graphic health warning.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., patunay ang operasyon na mahalaga ang mabilisang pagpapalitan ng impormasyon at magkasanib na aksyon ng mga ahensya ng pamahalaan.
Isasailalim sa imbestigasyon ang nasabing mga sigarilyo bago ito i-turn over sa nararapat na ahensya. | ulat ni Diane Lear