Inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang intelligence-driven crackdown at community monitoring laban sa mga grupong umano’y nanghihikayat ng mga menor de edad na masangkot sa ilegal na aktibidad.
Kabilang sa target ng operasyon ang tinatawag na True Brown Style (TBS) ang grupong pinaghihinalaang nangre-recruit at nanggu-groom ng mga menor de edad para sa mga kriminal na gawain.
Nagpahayag naman ng suporta si PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa hakbang ng pamahalaan na buwagin ang mga grupong ito.
Ayon kay Nartatez, prayoridad ng PNP na protektahan ang mga bata laban sa pagsasamantala, habang pananagutin sa ilalim ng batas ang mga umaabuso sa kanila.
Nauna nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Remulla na nagsagawa ang mga awtoridad ng mga hakbang upang buwagin ang TBS. Karamihan aniya sa mga miyembro nito ay nasa edad 18 hanggang 20, na nag-gu-groom ng mga batang nasa edad 14 at 15, at hinihikayat silang magnakaw sa mga convenience store.
Matatandaang iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga nakamamatay na insidente sa Tacloban, Zamboanga, at South Cotabato.