Ipinangako ng Philippine National Police (PNP) ang patuloy na tulong kay PSSgt. Noli Miraña na naputulan ng kaliwang kamay habang rumeresponde sa isang insidente sa Brgy. Calalahan, San Jose, Camarines Sur noong August 22.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., hindi kailangang magretiro ni Miraña sa serbisyo dahil maaari na siyang i-accommodate sa pamamagitan ng administrative designation.
Maaari ring ayusin ang kanyang work schedule o unit assignment para umangkop sa kanyang kalagayan.
Ipinag-utos din ng PNP Chief ang pagbibigay ng kinakailangang medical at financial assistance para kay Miraña, gayundin ng educational assistance para sa kanyang anak.
Kahapon, ginawaran si Miraña ng Medalya ng Kadakilaan sa isang programa sa Camp Crame bilang pagkilala sa kanyang sakripisyo sa pagtupad sa tungkulin.

