Photo courtesy of TUCP Party-list/Facebook
Muling humirit si Deputy Speaker at TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza na buwagin na ang kasalukuyang wage-setting system at ipasa bilang batas ang ₱200 na minimum wage increase.
Kasabay ito ng pagpapahayag niya ng pagkadismaya sa ₱42 na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Central Visayas.
Ayon kay Mendoza, hindi sapat ang naturang wage hike para matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya.
Sa ilalim ng bagong wage order, nasa ₱582 ang minimum wage sa Class A o Expanded Metro Cebu Area, habang ₱542 naman sa Class B na kinabibilangan ng Bohol, Siquijor at Negros Oriental.
Kinuwestiyon din ni Mendoza ang ₱40 na agwat sa minimum wage sa pagitan ng Cebu at iba pang lugar sa Central Visayas.
Binigyang-diin niya na mas mababa rin ang ₱42 na dagdag-sahod kumpara sa ₱60 na wage increase na ipinagkaloob sa Metro Manila.
Dahil dito, iginiit ni Mendoza na panahon nang magkaroon ng pagbabago sa wage-setting system at maipatupad sa buong bansa ang ₱200 na dagdag sa minimum wage.