Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng Department of Health (DOH) para sa inaasahang pagdami ng heat-related illnesses bunsod ng inaasahang matinding El Niño.
Lumabas kasi sa monitoring ng University of Chicago – Climate Impact Lab na pumalo na sa 451,000 ang naitalang heat-related deaths kung saan 6,500 na kaso rito ay mula sa Pilipinas.
Ayon kay DOH Director 3, Dr. Roland Law inaasahan na nila ang pagsipa ng bilang ng heat-related diseases tulad ng heat cramps at heat stroke, diarrhea, food poisoning, waterborne diseases, at dengue.
Gayundin inihahanda na ng DOH ang kanilang mga health facility upang tumanggap ng mga pasyenteng makararanas ng heat-related illnesses.
Nagpaalala rin ang DOH sa mga nasa vulnerable sector tulad ng mga bata, matatanda, buntis, mga taong may comorbidities, at mga outdoor workers.
Payo pa ng Health Department na palagiang uminom ng tubig, iwasan ang mga peak hours kung saan tirik ang sikat ng araw at pag-practice ng proper hygiene.