Binigyang-diin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na kailanman ay hindi siya gagawa ng anomang cover-up kasunod ng mga batikos sa kanya hinggil sa umano’y pagtatakip nito sa mga maanomalyang proyekto sa Taguig na iniuugnay kay Senador Alan Peter Cayetano.
Aniya, walang sasantuhin at sisinuhin ang pamahalaan upang sawatain ang mga anomalya at mga ghost projects sa pamahalaan.
Ani Dizon, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagsabi na walang dapat palagpasin sa kampanya ng pamahalaan kontra katiwalian, kaanak man o kaibigan.
Bagamat wala pang conclusive finding hinggil sa itinuturong ghost flood-control projects (FCP) sa Taguig City ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil dito.
Sa ngayon ang malinaw lang ay ang iregularidad pagdating sa coordinates at geotagging ng mga proyekto sa Taguig na naka-geotag sa lalawigan ng Leyte.