Posibleng pumalo sa mahigit 7% ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa ngayong Setyembre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa BSP, patuloy na nagpapataas sa inflation ang mahal na presyo ng gulay, isda, bigas at iba pang pangunahing bilihin, bunsod ng mga nagdaang sama ng panahon.
Inaasahang nasa 6.4 hanggang 7.4% ang inflation ngayong buwan, mas mataas kumpara sa 6.1% na naitala noong Agosto.
Bukod sa presyo ng pagkain, kabilang din sa mga nakaaapekto sa inflation ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo nitong mga nakaraang linggo at ang paghina ng halaga ng piso.
Gayunman, maaari umanong bahagyang bumaba ang inflation dahil sa pagmura ng karne at pagbaba ng singil sa kuryente.
Patuloy namang susuriin ng BSP ang epekto ng mga kaganapan sa Middle East at ng lagay ng panahon sa inflation at sa ekonomiya ng bansa.