Nakikipag-ugnayan na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga pribadong security agencies sa mga establisimyento, mall, subdivision at mga condominium para sa pinaigting na seguridad laban sa burglary, home invasion at pagnanakaw.
Sa utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano ang limang police district at lahat ng police unit sa Metro Manila ay isa-isa nang nakikipagpulong sa mga security management sa NCR.
Ang direktibang ito naman ay kasunod ng naiulat na insidente ng “akyat-bahay” sa Forbes Park, Makati City noong Setyembre 24, kung saan naaresto ng mga awtoridad ang isang 25-anyos na suspek.
Ayon kay PBGen. Abrahano, ngayong papasok na ang holiday season na inaasahang marami ang magbabakasyon o kaya ay aalis mula sa kanilang mga tahanan dapat lang magkaroon ng preventive measure para maiwasan ang nakawan sa mga establisimyento.
Inaasahan naman na bukod sa koordinasyon, dadagdagan ang police visibility at pagpapatrolya sa mga residential community.
Dapat ding suriin ang mga security measure tulad ng perimeter fence, gate, ilaw, at CCTV system sa mga komunidad.